PAGLALAKBAY

Posted · Add Comment

Marahil marami na sa atin ang may debosyon at di matawarang pagkalinga sa Mahal na Birheng Maria.  Ngunit kung hihimayin natin ang mga pangyayari kung paano ito nagsimula at kung nasaan na tayo ngayon, dito magkakaroon ng pagkakaiba.  Maaaring ang iba ay may malalim nang pang-unawa sa kanyang relasyon sa Birheng Maria at ang iba naman ay maaaring patuloy pang hinahanap at pinagtibay ang relasyon iyon.

 

                Namulat ako at ang aking mga kapatid na OBLIGADO kaming magdasal ng rosary tuwing alas sais ng gabi, araw-araw.  Kung ang ibang kababata ko noon ay nanunood ng Voltes V at iba pang cartoons na sikat noon, kami ay naka luhod sa harap ng aming altar.  Dito rin ako natuto na magdasal ng rosaryo ng

napakabilis at kung minsan pa nga’y lumalaktaw ng misteryo upang matapos agad at makapanood pa rin ng palabras sa TV.

 

                1985…. Dahil sa paghihintay ng resulta ng NCEE o National College Entrance Examination, natuto akong dumalo ng nobena para sa Ina Ng Laging Saklolo.  Sa umpisa, isang mababaw na kahilingan na pumasa sa exam na ito, gaya ng mga nangangarap na tumuntong sa kolehiyo. OO, pumasa ako sa NCEE pero ito ang nagging daan para mabuo ang magpatuloy ang aking debosyon sa Mahal Na Ina.

 

                Rosaryo at Nobena.  Sa umpisa na ginagawa ko dahil obligado akong gawain, ngunit habang dumadaan ang panahon, ginagawa ito dahil ito ang nagiging pagkakataon ko para pagtibayin ang aking pagmamahal sa ating ina.

 

                Hindi lahat ng hinihiling ko ay natupad at naibigay sa akin.  Ngunit patuloy ang naging pagtibay ng aking pagmamahal sa Ina at habang dumadaan ang panahon, ito ay hindi na lamang sa paghingi ng tulong na makamit ang anomang inaasam.  Nagin daan ito upang mas kilalanin ang kanyang Dakilang Anak na si Jesus pati na rin ang Ama at Espiritu Santo.

 

                Kapag may mgapangyayari sa ating buhay, kung minsan, napakatagal bago natin ito maintindihan kung ano ang dahilan at ito ay dumating sa atin.  Ngunit sa mga ganitong pagkakataon, mas napapasalamatan natin ang ating kinahinatnan, dahil na rin sa tulong ng ating pananampalataya.

Ito ang aking PAGLALAKBAY……

 

                Sa nakaraang apat o limang taon ng aking buhay ay naging sunud-sunod ang mga pagsubok. Nariyang mawala ang aking sasakyan dahil sa pagsusugal, ang iba’t ibang bisyo gaya ng pag-inom ng alak, ang pagkahaling sa barkada, ang matinding pagkalubog sa utang, ang pagkawala ng kabuhayan, ang unti-unting pagka ubos at pagkawala ng mga material na bagay na aming naipundar kabilang na ang desisyong ibenta an gaming naipatayong pangarap na bahay, ang pakikipagsapalaran sa Saudi na hindi rin nagging maganda ang kinahinatnan, ang pagka opera sa aking ina na muntik bumawi sa kanyang buhay, ang pagsubok sa Abu Dhabi, UAE na wala ring magandang resulta, ang pagpunta sa Qatar upang maging patuloy ang paghahanap ng magandang kinabukasan at ang patuloy na depresyon at kalungkutan ng dahil sa mga pangyayaring ito.  Hindi pa diyan natatapos, sapagkat hanggang ngayon ay patuloy ang pagdating ng kung anu-anong balakid na maituturing sa pagkamit ng solusyon sa lahat ng aking dinaranas.  OO, kundi man sabay-sabay na nangyari ay sunud-sunod na dumating ito sa aking buhay.  Noong una ay puro katanungan lamang na may halong pagdududa.  Halos gumuho ang aking mundo at ikagupo ng aking pag-iisip ang buo kong pagkatao.

 

                Walang ibang pwedeng sisihin o umaako sa aking kapalaran kundi ako lamang ngunit kapag aking babalikan ay aking natatanto na may ‘pambihirang lakas’ na pinaggalingan ang lahat ng aking pagbangon sa bawat pagsubok na ito.  Pagbangon at patuloy na pakikibaka sa buhay.  Madalas sa aking pakikipag-usap sa aking maybahay ay kanyang inuusal ang mga katagang…. “mahal tayo ng Diyos, maraming biyaya ang dumating sa atin sa pagitan ng bawat pagsubok na iyan, higit sa lahat, tayo ay buhay pa rin at binigbigyan ng p0agkakataon sa araw-araw upang patuloy na maitawid ang mga ito.  Mas maswerte pa rin tayo di hamak kumpara sa iba na may mas mabigat pa ring alalahanin, kanya-

kanyang buhay, kanya-kanyang suliranin.  Nasa atin kung gaano kabigat natin ito titingnan, nararapat lamang na manalig tayo sa Kanya, ginawa na natin at ginagawa pa rin natin ang ating dapat Gawain sa araw-araw, patuloy lang na mauupos ang ating lakas ng pangangatawan sa pag-iisip, bagkus ating ialay ang lahat ng ito sa Kanya at Siya ang bahalang magbigay sa atin ng karampatang solusyon…. Sa Kanyang tamang panahon”

 

                Sa bawat pag-ikot ng aming buhay, naging sandalan naming ang Mahal na Ina, hindi upang sambahin kundi kilalanin bilang aming ina na patuloy na maglalapit sa amin sa Kanyang Anak at sa Dakilang Ama at sa Espiritu Santo; paglapit na nagbibigay ng lakas at gabay sa bawat hakbang na aming tinatahak.  Maaaring maitanong ninyo, tapos na ba ang aming pinagdadaanan?  Hindi pa pero palaging may pag-asang nararamdaman na ang lahat ng pagsubok ay may katapusan.  Minsan pa nga akong biniro ng aking hipag at sinabing daig ko pa raw si Judy Ann sa Mara Clara sa aking mga pinagdadaanan, pero ang hipag ko ring ito ang minsang nagtawa at nagsabi nang malaman na natanggap ako sa trabaho para sa Qatar, Ha ha ha ha,napagod din ang Diyos sa kabibigay sa iyo ng problema.”   Kung naging mahina siguro ang pundasyon, baka bumigay na ako noon pa, pero sadyang ibang lakas ang aking nahuhugot sa tuwing matapos magdasal at magpasalamat.

 

                Isang malaking pasasalamat na may Internet na ngayong panahon na ito.  Pilit naming itinatawid

ang bawat araw sa pagdarasal ng rosary na magkasabay sa pamamagitan ng pag-uusap sa FB Messenger, matapos ang kumustahan ay di kinakalimutan ang sabay na pagdarasal na ito.  Oo, pumapalya paminsan-minsan ngunit di nawawala ang patuloy na pagpapasalamat at paglapit sa Diyos, sa tulong ng Mahal na Ina.  Malayo man kami sa bawat isa ay nararandaman pa rin naman naming ang presensiya ng bawat itsa dahil sa nagkakaisa naming pananalig sa Diyos.

 

                Bawat araw na dumaraan ay puno ng pag-asa… mahal ako ng Panginoon…. Mahal tayo ng Panginoon.  At sapat na malaman ko na ang pagmamahal na ito ng Diyos para patuloy na mabuhay.  Ika nga, “I am blessed, God loves me.  All shall be well.”

 

                Sa iyo Mahal na Ina, salamat sa patuloy mong paglalapit sa amin sa iyong Anak at sa Dakilang Ama at sa Espiritu Santo sa pamamagitan ng Radio Maria! (Aristotle U. Cabigao Radio Maria, Zambales)

 
 
PageLines